Posts

Pambungad sa libretong "Mga Tula at Kwento sa Klima"

Image
PAMBUNGAD ni Gregorio V. Bituin Jr. Ang munting aklat na ito ng Mga Tula at Kwento sa Klima ay naglalaman ng dalawampu’t isang tula at walong maiikling kwento. Ang mga tulang narito ay natipon ko sa aking baul nang matagal na panahon na ngayon lang malalathala habang ang ilan sa mga tula at ang walong maikling kwento ay unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), kung saan nahalal akong sekretaryo heneral nito noong Setyembre 2018. Pinroyekto ito bilang paalala para sa apat na mahahalagang araw sa kalendaryo hinggil sa usaping klima - Abril 22 (Earth Day), Hunyo 5 (World Environment Day), Hunyo 8 (World Oceans Day), at Setyembre 26 (Save Sierra Madre Day) . Ang unang Earth Day ay ginanap noong Abril 22, 1970, nang mag-organisa si Senador Gaylord Nelson ng isang pambansang demonstrasyon upang itaas ang kamalayan tungkol sa pagkasira ng kapaligiran. Ang World Environment Day (WED) ay itinat...

HEART at EARTH

Image
HEART AT EARTH ‎ ‎pag nirambol ang mga salitâ ‎tulad ng  EARTH  ay  HEART  ang katagâ ‎may pusò kang mahalin ang lupà ‎o daigdig nating lumuluhà ‎ ‎kayganda ng gayong parikalâ ‎ HEART  at  EARTH  ay magkaisang sadyâ ‎tilà iisa ang nasa diwà ‎tilà iisa ang nasa't diwà ‎ ‎tao ang dapat nangangalaga ‎sa natatanging mundo at lupà ‎ang mundo'y sinisirà ng digmâ ‎habang hanap ay mundong payapà ‎ ‎ EARTH  at  HEART , sabay na lumuluhà ‎kung tayong tao'y walang ginawâ ‎upang sistemang bulok mawalâ ‎paano giginháwa ang dukhâ ‎ ‎pagkakaisa ng mga bansâ ‎ay dapat nang di mapariwarâ ‎ang mundong ang puso'y lumulubha ‎dahil tayong tao'y nagpabayâ ‎ ‎- gregoriovbituinjr. ‎04.07.2026 ‎ ‎* larawan mulâ sa google, titik sa larawan ay gawâ ng makatâ

Muthalà

Image
    MUTHALÀ ‎ ‎nagninilay akong nakatutungà ‎pinagmamasdan ang mga  muthalà ‎habang aking kinakatha sa diwà ‎ang luhang di masabi niring dilà ‎ ‎pawang unos sa búhay ang dumating ‎nadarama pa rin ang paninimdim ‎pag madaling araw ay nagigising ‎pag umaga na'y walang naglalambing ‎ ‎ninilay sa katanghaliang tapat ‎habang yaong  muthala 'y kalat-kalat ‎badyang walang unos sa hinaharap ‎tila baga langit ang nangungusap ‎ ‎maipagtatanggol ang karapatan ‎makata'y nasa rali sa lansangan ‎may  muthalà  sa sawing kapalaran  ‎bawat sulirani'y may kalutasan  ‎ ‎- gregoriovbituinjr. ‎03.23.2026 ‎ ‎* muthalà - kalat-kalat na maninipis na ulap, mula sa Diksiyonaryong Adarna, p.612

Palakingkingan

Image
PALAKINGKINGAN ‎ ‎kung ang hinliliit ay  kalingkingan ‎hinlalato pala'y  palakingkingan habang may daliring  palasinsingan ‎ ‎may salitang madalas di magamit ang palakingkingan ay parang pilit palasinsingan sa kasal malimit ‎ ‎mabuti na rin at nabatid iyon ‎na para sa mga makata'y misyon ‎at para sa tugmaang nilalayon ‎ ‎anumang tawag, daliri'y may silbi ‎tulad ng hintuturo't hinlalaki ‎pagtipa sa selpon, kompyuter, busy ‎ ‎di man pamilyar ang ilang salitâ ‎mabuti't nabatid ang bago't lumà ‎bago sa akin, batid ng matandâ ‎ ‎- gregoriovbituinjr. ‎03.21.2026 (World Poetry Day) ‎ ‎* mulâ sa Diksiyonaryong Adarna, pahina 674

Ngayong World Poetry Day 2026

Image
NGAYONG WORLD POETRY DAY 2026 ‎ ‎tumatagaktak man / ang pawis sa noo ‎nilalakad ko ma'y / kilo-kilometro ‎patuloy ang nilay / sa kalsada't kwarto ‎kathâ ng makata'y / regalo sa mundo ‎ ‎idolo ko sina /  Batute't Balagtas ‎mga kathâ nila / sa diwa'y kumatas ‎Sa Dakong Silangan , / bansang Pilipinas ‎Florante at Laura 'y / binasa't nawatas ‎ ‎nariyan din sina /  Percy Bysshe Shelley, ‎‎John Keats, Arthur Rimbaud, / Neruda, Tagore ‎Cirilo Bautista, / Natsume Sōseki, ‎Glen Sales, Teofilo / Cid, Romalyn Ante ‎Bucaneg, Almario, / Gemino H. Abad, ‎Lumbera, Collantes, / Dimalanta, Gullas, ‎Joel Malabanan, / Danilo C. Diaz, ‎Emmanuel Lacaba, /  at  Maningning Miclat ‎ ‎papel ko man lagi'y / makatâ ng masa ‎pagkat tumutulâ / sa rali't kalsada ‎sa tugma't sukat ma'y / nakabartolina ‎pinag-iigihan / ang tulâ tuwina ‎ ‎sa mga higante / sa larang ng tulâ ‎ako'y nagpupugay / sa inyong nagawâ  ‎ngayong  Daigdigang / Araw ng Pagtulâ ‎mabuhay! Mabuhay / an...

Munglô, muól at muóy

Image
MUNGLÔ, MUÓL, AT MUÓY ‎ ‎ano kaya sa Ingles ang  munglô ? ‎sa medisina, ang kahulugan ‎ay paninilaw bunga ng sakit ‎tulad ng  Gilbert syndrome, cirrhosis ‎ ‎sa  Zoolohiya  ay natukoy ‎kung ano yaong  muól  at  muóy ‎ang muól ay usang nalagasan ‎ng sungay sa sakit, katandaan ‎ ‎kung ang muóy ay babaeng kúto ‎kuyumad ay maliit na kúto ‎at ang lisâ ay itlog ng kúto ‎ano naman ang lalaking kutó? ‎ ‎tatlong salitang bago o lumà ‎bago sa akin, lumang salitâ ‎na nasaliksik ko nang di sadyâ ‎na mabuting gamitin sa tulâ ‎ ‎- gregoriovbituinjr. ‎03.21.2026 (World Poetry Day) ‎ * litrato mula sa Diksiyonaryong Adarna, p.610

Hubad kong isip

Image
‎HUBAD KONG ISIP ‎ ‎animo'y makatâ ang lumikhâ ‎ng krosword na aking nasagutan ‎"Hubad kong isip" , nakatutuwâ ‎tingni ang Labing-isa Pahalang ‎ ‎kahulugan pala'y inosente ‎o batang di nasagpang ng leyon ‎at di kinakanti ng salbahe ‎ako sa sarili'y napabulong: ‎ ‎"katalamitam ko sa pag-idlip ‎ang naroong magandang diwatà ‎di mawari ng hubad kong isip ‎sa harap niya ako'y tulalâ" ‎ ‎lumikha ng krosword ba'y tulad ko? ‎makatang walâ sa toreng garing? ‎sinalita'y kaygandang totoo ‎ang hubad kong isip ay nagising ‎ ‎- gregoriovbituinjr. ‎03.20.2026 ‎ ‎* palaisipan mulâ sa pahayagang Pang-Masa, Enero 6, 2026, p.7