Posts

Showing posts from May, 2025

Elepante pala'y gadyâ

Image
ELEPANTE PALA'Y GADYÁ elepante'y naroon sa kalapitbansa  at nasa zoo lang sila pag nasa Maynila subalit may katumbas sa sariling wika ang elepante na tinatawag na  gadyâ naalala ko tuloy ang isang pabula may ilang bulag na nakarinig sa  gadyâ nais nilang mabatid ano itong sadya kaya nasabing  gadya' y kanilang kinapa nahipo ng isa'y buntot, lubid daw ito sa kumapa sa tenga, ito'y abaniko sa nakahawak sa pangil, sibat umano sa humaplos sa tagiliran, pader ito nagbalitaktakan sila kung sinong wasto na pananaw ay magkakaibang totoo nilarawan ay pinaniwalaang todo parehong bagay ngunit magkaibang kwento - gregoriovbituinjr. 05.28.2025 * larawan mula sa AlpabeTUKLAS ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF)

Katáw

Image
KATÁW sa mga kwento'y mayroong  katáw na sa mitolohiya'y nahalaw na kahulugan pala'y sirena subalit di wangwang sa kalsada babae ang bahaging itaas na marahil kayganda't kaylakas bahaging ibaba nama'y buntot ng isda na animo'y kaylambot katáw  na isang bagong salitâ sa akin, magagamit sa tulâ, pabulâ, sanaysay, dagli, kwento isama sa pagkatha sa mundo mula wikang  Sebwano't Aklanon na mabuti ring magamit ngayon salamat sa  Salit-Salitaan sa bigay na dagdag-kaalaman - gregoriovbituinjr. 05.28.2025 * larawan mula sa kwfdiksiyonaryo.ph ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF)