Posts

Showing posts from June, 2025

Imbes "pero" ay "ngunit" o "subalit"

Image
IMBES "PERO" AY "NGUNIT" O "SUBALIT" nagsisimula si Kara David sa "Pero" sa pagsusulat daw ng iskrip bilang intro na salitang Kastilang iniiwasan ko pagkat may katumbas sa wikang Filipino madalas sa aking pagkatha'y ginagamit na imbes na "PERO" ay "NGUNIT" o "SUBALIT" ito'y BUT sa Ingles na palagi kong bitbit kaya "pero" ay iniiwasan kong pilit baka sasabihin nilang ako'y purista wikang Filipino'y tinangkilik talaga kaya magtataguyod nito'y sino pa ba? kundi ang gaya kong dukha't lingkod ng masa gamit sa maralita't uring manggagawà imbes na sa gahaman, burgesya't kuhilà halina't itaguyod ang sariling wikà at nang matangkilik ang katutubong diwà - gregoriovbituinjr. 06.22.2025 * bidyo mula sa pahina ni Kara David sa kawing na:  https://fb.watch/Ank48PGUH_/   * paksa'y Scriptwriting Tips: Episode 4 - The Power of 'Pero' in Writing Your Introduction

Ang nektar pala'y lagdó

Image
ANG NEKTAR PALA'Y LAGDÓ ang nektar pala'y  lagdó  sa sariling wika mula raw sa Waray ang nasabing salita na sa bulaklak ay matamis na likido na mga bubuyog ang nagtipong totoo upang gawing pulot-pukyutang anong tamis upang lumakas tayo't gumanda ng kutis kaygandang ambag ng Waray sa panitikan at sa sariling wika nitong sambayanan  halina't simulan nang gamitin sa katha lalo na sa pagsulat ng tula, pabula, sa kwento, dagli't sanaysay ay pagyamanin sa pagtaguyod ng sariling wika natin ang bubuyog ay palipat-lipat ng rosas upang  lagdó  roon ay subukang makatas at ito'y tinitipon upang gawing pulot na sa kalusugan nati'y kaygandang dulot - gregoriovbituinjr. 06.07.2025 * mula sa AlpabeTuklas! ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF)

Anag-ag at dapat walang gitling sa ika

Image
ANAG-AG AT DAPAT WALANG GITLING SA IKA ako'y natigilan sa " Malabong liwanag" tanong yaon sa Tatlumpu't isa Pahalang sa krosword nitong Pilipino Star Ngayon pagkat may tatlong sagot na simula ay "A": salitang  ANINAW ,  ANINAG , at  ANAG-AG at  ANAG-AG  ang lumabas na tamang sagot subalit sa Dalawampu Pahalang naman bakit may gitling sa "ika-sampung bahagi" aba'y nakasanayan na ang gayong mali habang walang matang sa mali'y nagsusuri bilang makatâ kaya iyon pinapansin ang "ika" ay isang panlaping kinakabit sa salitang ugat kaya idinidikit ito ng walang gitling, at sa balarila kung numero na saka lalagyan ng gitling ang wasto ay ikasampu, di ika-sampu pag numero, ika-10, di ika10 dapat matuto sa paggamit nitong gitling lalo sa panlaping" ika", tandaan natin ang mali punahin, ang wasto pairalin - gregoriovbituinjr. 06.01.2025 * palaisipan mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Mayo 31, 2025, pahina 11