Posts

Showing posts from December, 2025

Ang kahalagahan ng tuldik

Image
ANG KAHALAGAHAN NG TULDIK talagang mahalaga ang gamit ng tuldik na nilalagay sa ibabaw ng patinig upang maunawà ang bigkas ng salitâ at wastong kahuluga'y mabatid ding sadyâ halimbawa sa nailathalang balità: doble ang kahulugan ng  "magkakaanak" "magkakaának"  kung sila'y magkamag-anak "magkakaanák"  kung buntis na ang kabiyak pansinin mo ang tuldik na  "á"  sa salitâ naroon ang diin ng bigkas ng katagâ upang kahulugan ay agad maunawà bagamat di nagamit doon sa balità saan dapat itapat ang tuldik-pahilis ay dapat batay sa bigkas at kahulugan kaiba sa tuldik-paiwâ at pakupyâ na nararapat lang nating maintindihan - gregoriovbituinjr. 12.31.2025 * ulat mula sa pahayagang Bulgar, Disyembre 23, 2025, p.2

Di ko ginagamit ang "pero" sa akdâ

Image
DI KO GINAGAMIT ANG "PERO" SA AKDÂ matagal ko nang di ginagamit ang "pero" salitang Kastilà, salitang Mehikano gayong may katumbas sa wikang Filipino na dapat gawing palasak, gamitin ito sa wikang Ingles, ang salitang"pero" ay "but" sa ating wika'y ngunit, subalit, datapwat ang mga iyan ang gamit ko sa panulat sa tula, kwento, sa ganyan ako maingat nais kong patampukin ang sariling wikà bilang makatâ sa katutubong salitâ upang mapatampok din ang ninunong diwà habang nakikibaka kapiling ng dukhâ  ngunit, subalit, datapwat , bagamat mithî mga salitang ganito'y pinanatili di wikà ng mga mananakop na imbi kung may katumbas naman, gamiting masidhi - gregoriovbituinjr. 12.21.2025 * kahulugan ng mga salita mula sa Diksiyonaryong Adarna

Pagtatása at Pagtatasá (Assessment and Sharpening)

Image
PAGTATÀSA at PAGTATASÁ (Assessment and Sharpening) pag natapos ang plano at mga pagkilos  ay nagtatàsa o assessment nang maayos kung ang pagtatasá o sharpening ba'y kapos? at nakinabang ba ang tulad kong hikahos? kaya mahalaga ang dalawang nabanggit kung pagtatása o sharpening ba'y nakamit? sa pagtatasá o assessment ba'y nasambit? anong mga aral ang dito'y mabibitbit? mga plinano'y di dapat maging mapurol sa planong matalas, di sayang ang ginugol sa assessment ba'y ano kayang inyong hatol? buong plano ba'y naganap? wala bang tutol? tingnan mo lang ang tuldik sa taas ng letra at ang salita'y mauunawaan mo na  kayâ ngâ ang pagtatása at pagtatasá sa bawat organisasyon ay mahalaga - gregoriovbituinjr. 12.12.2025

Paunang Salita sa 40-pahinang libretong "Tula't Tuligsa Laban sa Korapsyon"

Image
PAUNANG SALITA ANG MUNTING AKLAT NA “TULA’T TULIGSA LABAN SA KORAPSYON” Nang magpatalastas ako nitong Setyembre 2025 sa aking FB na balak kong maglathala ng katipunan ng mga tula hinggil sa mga korap at kurakutan sa ating bayan, dalawang kaibigan kong makata ang nagpasa ng kanilang mga tula.  Kaya isinama ko rito ang mga tula ng gurong si Sir Glen Sales, at isang tulawit ng gurong si Dr. Joel Costa Malabanan, PhD, ng PNU. Naging magkasama kaming tatlo sa grupong Kapatirang Umuugnay sa Sining at Panitikan (KAUSAP) na itinatag ni Dr. Malabanan. Taospuso akong nagpapasalamat sa kanilang ambag sa libretong ito. Bukod sa kanilang ambag na tula, ang natirang higit 40 pang tula rito, at isang maikling kwento, ay aking katha. Wala na kasing iba pang nagpasa kaya upang mapunan ang planong 40 pahina, ay inilagay ko ang inaakala kong marapat na tulang panawagan, tumatalakay at/o naglalarawan ng kasalukuyang kalagayan ng bayan. Mga tulang kinatha sa rali o matapos ang rali. Tumatayo kaming mak...