Banyaga ngunit hindi dayuhan
BANYAGA NGUNIT HINDI DAYUHAN Munting pagninilay ni Gregorio V. Bituin Jr. Paano mo sasabihing dayuhan ang isang indibidwal kung hindi naman siya dumayo o nakadayo dito sa bansa? Di ba't tinatawag nating mga dayuhan ang mga tagaibang bansa o yaong hindi natin kalahi? Ito'y dahil dumayo sila sa ating bayan. Sikat nga ang panawagang "Palayasin ang mga dayuhan!" lalo na noong panahon ng mananakop na Kastila, Amerikano at Hapones, na naging dahilan ng digmaan, kabayanihan at pagkamatay ng ating mga ninunong nakipaglaban para sa kalayaan. Ibig sabihin pa, mga mananakop ang mga dayuhang iyon. Paano pag sa ilang pananaliksik ay tinuring na "foreign authors" o "foreign poets" ang ilang manunulat at makata? Maisasalin ba silang dayuhang manunulat o dayuhang makata, gayong hindi sila dumayo sa ating bansa? Na ang iba'y hindi naman nandayuhan o lumabas sa kanilang bansa. Ang pagninilay na ito'y bunsod ng ginagawa kong pagsasalin ng ilang mga tula...