Posts

Showing posts from January, 2026

Ikalima, hindi ika-lima

Image
IKALIMA, HINDI IKA-LIMA salitang ugat o pangngalan, di numero kayâ bakit may gitling ang panlaping "ika" di ba't kayâ panlapi, kinakabit ito sa salitâ, arâlin n'yo ang balarila maraming nalilito, may maling pagtingin sa paglagay ng gitling sa mga salitâ ikalima, di ika-lima; walang gitling ika-5, di ika5 yaong diwà nilalagyan ng gitling matapos ang "ika" sapagkat numero na ang kasunod niyon kayâ madali lang maunawâ talaga pagkakamali'y di na sana ulitin pa sana sa eskwelahan, maituro muli lalo sa mga estudyante't manunulat huwag nang ulitin yaong pagkakamali at sa wastong gamit ng gitling na'y mamulat - gregoriovbituinjr. 01.22.2026 * litrato mula sa krosword ng pahayagang Pilipino Star Ngayon, Enero 22, 2026, p.10

Kayâ tayo may tuldik

Image
KAYÂ TAYO MAY TULDIK siya ay galít siya'y may gálit baság na ang bote may bâsag ang bote siya ay titíg na titíg kaytindi ng kanyang títig maligayang báti buti't sila na'y batí dito'y ating mawawatas magkakaiba ng bigkas kayâ dapat makata'y batid paano maglagay ng tuldik sa ginamit na salitâ upang mabigkas ng tamà ganyan kahalaga ang tuldik sa taas ng letrang patinig kayâ dapat nating malaman kung paano ilagay iyan kung paano mo sinasabi mabilis, mabagal, mabini - gregoriovbituinjr. 01.12.2026 * litrato mula sa Diksiyonaryong Adarna, p. 952